Panalangin sa Tag-ulan
Yahweh, Ikaw ay Dakila
Lahat ng nilalang ay patuloy mong pinagpala
Ibinuhos mo ang malakas na ulan
Upang lahat kami huwag naman mainitan
Ang tubig – ulan, iyong pagpapala
Sa mga lingkod mong nabubuhay sa pagbubungkal ng lupa
Nililinis nito ang hanging amihan
Pati na ang buong kapaligiran
Tingnan mo, Yahweh, ang mga batang paslit
Tuwang tuwang naliligo sa buhos ng tubig
Nagtatampisaw sa naipon sa paligid
Ang iba naman, naglalaro ng mga bangkang papel
Teka, Panginoon, tama ba ang aking nakikita
Mga batang nagbabatuhan ng putik at basura
Masayang masaya na nakatama sa damit ng kanyang kapuwa
Di alintana ang damdamin ng iba
Diyos na mahabagin, ako’y nabibigla
Sa aking nasasaksihan, di nahahalina
Matatanda na at may isip kung sana ay ginagamit
Di sana kikilos na daig pa ang mga batang paslit.
Hindi ba ang mga ito ang nakatalagang bantay
Sa mga musmos pa at mga walang malay?
Di ba sa kanila mo ganap na ipinagkatiwala
Ang kaluluwa ng mga anak mong tunay?
Hala, pumapalakpak at tila tuwang-tuwa
Na ang ibang bata, tamaan sa mukha
Nag-aalok pa ng gantimpala
Sa mga batang sa kanila ay sasama
Di ba nila alam, Panginoon na Ikaw ang kanilang sinasaktan
Sa tuwing may binabato sa Kaniyang mga Hinirang?
Di ba nila talos, Yahweh, na Pangalan Mo’y nadudungisan
Sa tuwing sila ay magsasakitan?
Sinong Ama ang matutuwa na ang anak Niya’y masaktan
Sinong Ama ang hindi magdaramdam
Kapag ang magkakapatid nagtatalo at nagsisiraan
Para silang mga walang pinag-aralan?
Mga matatanda mismo ang pasimuno ng pagkakampi-kampi
Ako ay kay kuya, ikaw ay kay ate
Kung di ka kay kuya, hindi ka kasali
Lumayo ka sa amin, hindi ka kauri
Patigilin mo, Panginoon, Silang lahat pangaralan
Buksan mo ang kanilang puso pati na ang isipan
Dapat nilang mapagtanto na Pangalan Mo’y nadudungisan
Dapat magbago nang hindi maparusahan
Tahimik lang kami nanonood sa palabas
Nagpupuyos man ang loob, di namin mailabas
Baka kami naman ang kanilang pagbalingan
Agad basahin ang pangalan sa kapulungan
Maawa ka, Panginoon, kamay Mo ay i-unat
Hindi upang magparusa kundi upang isiwalat
Kamalian ng mga nagyayari sa lansangan
Hindi dapat makita sa Banal Mong Bayan.
Ama, Ang Kalooban Mo ang susundin ng lahat ng hinirang.
Reblogged this on Iglesia Ni Cristo … Hinirang.
LikeLike